70K pasaway sa quarantine nai-record ng PNP

Aabot na sa mahigit 69,000 ang bilang ng mga pasaway na nahuli ng Philippine National Police (PNP) matapos lumabag sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay ito sa inilabas na datos ng Joint Task Group COVID Shield simula Marso -17 hanggang a-29 ng kasalukuyang taon.

Mula sa kabuuang 69,089 violators; 38,940 rito ang mula sa Luzon kung saan, 16,988 naman dito ang nagmula sa Metro Manila habang ang nalalabing bilang naman ay mga naitalang kaso mula sa Visayas at Mindanao na nagpapatupad din ng ECQ sa kani-kanilang mga lokalidad.

Pinakamarami rito ang naaresto na nasa 17,039 habang nasa 3,777 ang pinagmulta at 48,273 rito ang pinagsabihan lang muna ng mga awtoridad.

Samantala, nasa 593 ang bilang ng mga naaresto sa buong bansa dahil na rin sa iba’t ibang paglabag tulad ng pagho-hoard ng alcohol at pagsasamantala sa presyo nito gayundin sa iba pang mga pangunahing bilihin.

Nasa 6,837 naman ang bilang ng mga PUI o Persons Under Investigation sa buong bansa ang naharang ng mga awtoridad dahil sa tangka nilang pag-iwas sa mga inilatag na quarantine checkpoint.(Edwin Balasa)