71 pulis, 22 sundalo nagpositibo sa COVID-19

Umaabot na sa 22 sundalo ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa ulat ng opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon.

Ito ang kinumpirma ni Marine Brig. General Edgard Arevalo kung saan bukod sa 22 sundalo ay nagpositibo din ang kanilang anim na kaanak, 1 reservist, 1 CHR at 3 non AFP civilians.

Mayroon ding 141 probable cases kung saan 111 sa mga ito ay mga sundalo habang ang 177 suspected cases naman ay kinabibilangan ng 141 sundalo.

Magandang balita naman ang hatid ni Arevalo dahil sa ngayon ay wala pang namamatay na COVID-19 positive sa mga sundalo samantalang 20 ang naitalang naka-recover base sa datos ng V. Luna Hospital.

Samantala pumalo na sa 71 ang COVID-19 positive sa hanay naman ng Philippine National Police (PNP) matapos na madagdagan ng apat na kaso kahapon.

Ayon kay PNP Health Service Director, Police Brig General Herminio Tadeo Jr., ang apat na bagong kaso ng COVID-19 ay kinabibilangan ng 3 lalaking pulis at 1 babaeng pulis na pawang mga nakadestino sa Metro Manila.

Samantala nadagdagan naman ng dalawang pulis na naka-recover sa nasabing sakit kaya sa kabuuan ay meron ng 10 pulis ang nakaligtas sa COVID-19. (Edwin Balasa)