74-anyos biyuda ninakawan na, 30 beses pang sinaksak

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang mga kawatan ang 74-anyos na biyuda matapos pasukin at pagnakawan sa loob ng kanyang tirahan kamakalawa ng gabi sa Paranaque City.

Nasa 30 tama ng saksak sa ibang-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktimang si Sonia Moral na nadiskubreng naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay sa loob ng kanyang tirahan sa no. 8402 Hemlock St. Marcelo Green Village, Barangay Marcelo sa naturang lungsod.

Sa natanggap na report ni Police Col. Robin King Sarmiento, hepe ng Paranaque City Police, posibleng nangyari ang insidente ng pagpaslang sa biktima sa pagitan ng alas-3:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi batay sa pagsusuri ng mga rumepondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District.

Nag-iisa lamang na naninirahan sa kanyang bahay ang biyuda at tanging ang mga nagmamalasakit niyang kapitbahay ang tumitingin sa kanya.

Nakita sa loob ng bahay ang nagkalat na mga pekeng alahas. Magulo rin ang loob na palatandaang naghalughog ang mga suspect sa kanyang mga gamit.

Hinihinala rin ng pulisya na matagal nang minamanmanan ng mga salarin ang biktima at posibleng nanlaban din kaya’t tinadtad ng saksak. (Armida Rico)