Kumpiyansa si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na ibi-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kuwestiyonableng probisyon na nakapaloob sa kontrobersiyal na P3.7 trillion panukalang budget ngayong 2019.
Pinaliwanag ni Sotto na posibleng kinukunsidera ng Malacañang ang kanilang rekomendasyon na i-veto ng Pangulo ang P75 bilyon na ni-realign sa panukalang budget ng liderato ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo dahil hiningi ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang listahan.
“Request ng Executive Secretary na ipadala namin listahan ng ginalaw para madali sa kanila hanapin. Magandang senyales sa akin ‘yun dahil posibleng i-veto,” saad ni Sotto.
Kaugnay nito, muling nanindigan si Sotto na hindi sila lumambot sa Kamara sa usapin ng budget matapos na mapagkasunduan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na aprubahan na ito.
“Pinirmahan ko na pero may annotation at nakakabit kaming explanation at may personal na usapan. Huwag mag-alala ang mga kababayan natin na baka maapektuhan ‘pag vineto,” saad ni Sotto.
Nilinaw ni Sotto na ang parte ng pondong mabi-veto ay maaari pa ring gamitin sa mga proyekto ng gobyerno sa pamamagitan ng supplemental budget. (Dang Samson-Garcia)