Sa loob lang ng halos dalawang oras ay umabot sa 76-katao ang inaresto­ ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa bisa na rin ng search warrant dahil sa kasong illegal gambling sa isinagawang pagsalakay sa isang Off Track Betting (OTB) station at da­lawang eatery sa lungsod, kamakalawa ng gabi.

Sa report kay QCPD Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ni P/Supt. Ariel Capoco, naaresto ang mga suspek sa illegal gambling, dakong alas-9:30 ng gabi nang magkakasabay na salaka­yin ang Aikaniks OTB; Malou’s Eatery at Fel’s Eatery na nasa A.Luna St., Brgy. Bagumbuhay, Pro­ject 4, Quezon City.

Kabilang sa 76 na naarestong suspek ang 18-anyos, habang ang pinakamatanda ay 68-an­yos na lola na si Gloria Villarba y Manlapig negos­yante ng 75-A Luna St., Brgy. Bagumbuhay, Pro­ject 4, Quezon City.

Narekober ng mga ­operatiba sa Aikaniks OTB ang dalawang betting machine; isang modem; Samsung cell phone; DVD Player; Betting receipts at P71,097 cash.

Sa Malou’s Kitchennete ay nakumpiska naman ang isang colored television; Samsung television; dala­wang Cignal TV Box at mga betting receipts. Habang sa Fel’s Eatery ay nakumpiska ang isang Ace colored television; Cable Box Cignal; Destiny Cable Box; Cisco Router at Cable Remote.