762 ‘ninja cops’ pinangalanan kay Duterte

Isumite ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde kay Pangulong Rod­rigo Duterte ang listahan ng mga pulis na sangkot diumano sa kalakaran ng iligal na droga, sa kanilang pagpupulong nitong Miyerkoles nang gabi.
Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na nagkausap na sila ng Pangulo at binigyan niya ng update tungkol sa kampanya kontra droga at internal cleansing program.
“Well yes I just briefed him (President Duterte) on the update on our war against illegal drugs. The usual reporting natin. As you all know naman kasi may mga lumalabas na intriga so I briefed the president on the status on our war on drugs sa PNP,” pahayag ni Albayalde.
“We leave that up to the President. Let’s give him space. we leave that to wisdom of the President. He said that he will decide in due time,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon pa kay Albayalde, ang 762 pulis na nasa listahan ng mga pinaghihinalaang ‘ninja cops’ na isinumite niya kay Pangulong Duterte ay sangkot sa reselling ng mga nakumpiskang iligal na droga gayundin ang mga nakuhang payola mula sa mga sindikato na nag-o-operate sa bansa.
Paalala naman ni Albayalde na ang mga nasa listahan ng mga pinaghihinalaang ‘ninja cops’ ay watch list lang. Hindi umano ibig sabihin nito na guilty na sa pagre-recycle ng droga ang mga nasa listahan, at posibleng matanggal pa ang kanilang pangalan matapos makapagsagawa ng kaukulang ‘adjudication’ o validation.(Edwin Balasa)