766 healthcare worker tinamaan ng virus

Ikinalungkot ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang report ng Department of Health (DOH) na 766 mga health worker , kabilang na ang mga doktor at nurse sa mga tinamaan ng coronavirus disease-2019.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na nahawa ang mga health worker sa mga pasyenteng kanilang ginagamot sa kasagsagan ng mataas na kaso ng tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Nograles, sa nabanggit na bilang, 339 dito ay mga doktor habang 242 ang nurses.

Sa kabuuan aniya ay 22 na sa mga health worker ang namatay matapos hindi makaligtas sa bagsik ng virus.

“May malungkot po na balita ang DOH. They reported that a total of 766 healthcare workers in the country are confirmed to have COVID-19. Sa kabuuan ay 22 na po ang pumanaw dahil sa sakit na ito sa mga health worker po natin,” ani Nograles.

Dahil dito, muling nanawagan ang kalihim sa publiko na makipagtulungan sa gobyerno para mapigilan pa ang pagkalat pandemic.

“This is just another somber reminder for all of us to do our part to contain this outbreak,” dagdag ni Nograles.

Nauna nang tiniyak ng gobyerno na makakatanggap ng tulong ang mga health worker na tinamaan at nasawi sa COVID-19.(Aileen Taliping)