Nilinaw ni Manila Police District Director PBGen. Rolando Miranda na hindi demolisyon kundi isang rescue at relocation ang kanilang giniwang paggiba sa mga itinayong barong-barong ng may 78 pamilya sa Maisan, Brgy 432, Sampaloc, Maynila noong Miyerkoles.

Ayon kay Miranda, matagal nang inabisuhan ang mga pamilya na lisanin na ang lugar dahil nagiging paraiso ng mga masasamang elemento bukod pa sa dikit-dikit sila na isang paglabag sa social distancing sa ilalim ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ginawa umano ito ng mga pulis para na rin sa kaligtasan ng mga mamamayan sa sandaling may magpositibo sa kanila sa COVID19.

Ang mga illegal settler na tinanggal sa lugar ay pansamantala na ini-relocate sa isang bodega pag-aari ni Rudy Bacani.

Tiniyak ni Miranda na nasa ligtas sa lugar ang mga pamilya at sila ay binibigyan ng ayuda ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Una nang napaulat na nagrereklamo ang ini-relocate na residente na wala man lang bentilasyon sa pinagdalhan sa kanila. (Juliet de Loza-Cudia)