78% ng Pinoy happy sa taong 2019

Supermarket sa Saudi nangangailangan ng mga Pinoy worker

May 78% ng mga Pilipino ang naging masaya ang pamumuhay ngayon 2019.
Sa Veritas Truth Survey na isinagawa ng church-run Radio Veritas 846, lumitaw na 78.6% ng mga Pi­lipino, ang nagsabing naging masaya sila sa buhay sa buong taon ng 2019, sa kabila ng mga suliraning kanilang pinagdaanan.

Pinagbatayan sa ginawang survey ang mga karanasan ng mga Pilipino sa taong 2019 mula sa kanilang pa­milya, lugar na pinagtatrabahuan, eskwelahan, sa mga parokya at komunidad na kinabibilangan.

Lumabas sa survey na 48.3% ang aminadong masaya (happy), 29.3% ang nagsasabing masayang-masaya (very happy) ang kanilang taon, 18.7% ang medyo masaya (somewhat happy) habang may 2.7% naman ang malungkot (not happy).

Sa nasabing bilang 83% ng mga lalaki ang mas masaya kumpara sa 77% ng mga babae na karamihan ay mga young adult (22-39 taong gulang).

Naitala rin ng survey na 81% mas masaya ang mga taga-Mindanao kumpara sa 80% sa Visayas at 76% ng mga taga Luzon.

Nalaman na ginawa ang survey noong Nobyembre sa may 1,200 res­pondent sa buong bansa kung saan pinagdaanan ng mga Pilipino ang suliranin ng kawalan ng suplay ng tubig sa Metro Manila, pagbagsak ng farm gate price ng palay na ikinalugi ng mga magsasaka, at ang paglaganap ng African Swine Fever na umaapekto naman sa mga hog raiser sa bansa.

Nagkaparehas rin ang resulta ng VTS sa 2019 World Happiness Report ng United Nations kung saan tumaas ng dalawang puntos ang rankin­g ng Pilipinas sa ika-69 na pinakamasa­yang bansa kumpara sa ika-71 pwesto noong 2018. (Juliet de Loza-Cudia)