Pinabibilisan ng Commission on Audit (COA) sa Bureau of Customs (BOC) ang disposal proceedings sa halos 7,000 overstaying container na naglalaman ng mga donasyong bigas, asukal at iba pang kargamento.

Sa 2018 Annual Audit Report ng COA sa BOC, pinuna ng ahensya ang matagal nang nakatenggang mga container sa iba’t ibang pantalan na karamihan ay bigas at asukal na inangkat noon pang 2018 bilang donasyon sa mga ahensya ng pamahalaan, non-government organizations at Philippine Red Cross para sa mga biktima ng kalamidad.

Batay sa audit report ng COA, 880 sa mga container ay walang declared information at hindi pa isinasailalim sa inspeksyon.

“Most of the overstaying perisha­ble goods was imported in CY 2018, the biggest of which are importations of rice and refined sugar which are subject of forfeiture proceedings due to lack of necessary permits from concerned government agencies,” ayon sa COA.

Nasa 22 container na naglalaman ng mga sasakyan at ilang luxury car ang nakatengga naman sa Manila International Container Terminal (MICP).

Dahil matagal nang nakatengga, sinabi ng COA na nanganganib na mabulok o masira ang mga ito sa halip na mapakinabangan at ma­laking kawalan din sa kikitain ng gobyerno mula sa babayarang buwis.

Nirekomenda ng COA na magsagawa ng imbentaryo ang BOC at isailalim sa inspeksyon ang laman ng mga overstaying container para malaman ang kondisyon at status ng mga ito.

Giit pa ng COA na bigyang prayoridad ng BOC ang disposal ng mga perishable goods at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para sa documentary requirements upang mailabas na ang mga kargamento.