Aabot sa 7,550 sundalong Pilipino, American at Australian ang makikiisa sa gagawing Balikatan exercise na magsisimula nga­yong Abril 1 at magtatapos sa Abril 12.

Ito ang inanunsyo ni Philippine Balikatan Public Affairs Officer Lt. Cmdr. Liezl M. Vidallon sa isang panayam sa mga mamamahayag.

Aniya, sa nasabing bilang mayroong kabuuang 4,000 na tauhan ng Armed Forces of the Philippines, 3,500 sa United States at 50 mula sa Australian Defense Force.

Ipinaliwanag pa ni Vidallon na posib­le umano ang partisipasyon ng puwersa ng Australia dahil sa pagiging multilateral o napagkasunduan ng tatlong bansa, ang Balikatan ngayong taon.

Gaganapin naman ang pagsasanay sa Nor­thern at Southern Luzon.

Layunin umano ng aktibidad na ito ang pagsasanay sa palitan ng impormasyon ng tatlong bansang kalahok para sa pagpaplano at pagpapatupad ng joint operation para sa seguridad. Gayundin ang pagpapalakas ng military relation ng Pilipinas at Uni­ted States. (PNA)