8-anyos inumbag, ni-rape sinako nang buhay

8-anyos inumbag, ni-rape sinako nang buhay

Ni Armida Rico

Ginahasa, binugbog at sinakal muna bago isinilid sa sako ng isang construction worker ang isang grade 2 pupil sa pag-aakalang napatay na niya ang biktima sa Taguig City kamakalawa.

Himalang nakaligtas ang biktima na itinago sa pangalang Sharon, 8-anyos, taga-Barangay Ibayo Tipas.

Si Sharon ay nasa Taguig Pateros District Hospital ngayon matapos magtamo ng sugat sa leeg bukod pa sa ito’y na-trauma.

Nakakulong naman ngayon sa Taguig City Police ang suspek na si Sotero Manuguid Jr., 33, binata, taga-Katwiran St., Taguig.

Sa report kay Police Colonel Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police alas-tres nang hapon nitong Lunes habang naglalakad ang biktima pauwi ay nasalubong nito ang suspek at inalok ang paslit ng pera basta’t susunod sa kanya hanggang sa nakarating sila sa bakanteng lote.

Pagdating sa lugar, sinuntok sa mukha at sinakal ang biktima. Nang mawalan ng malay ay ginahasa.

Nang makaraos, inakala ng suspek na patay na ang bata kaya isinilid niya ito sa sako. Lingid dito’y nagkamalay ang bata at nakawala sa sako.

Pag-uwi ay nagsumbong sa kanyang mga magulang na agad namang nagpasaklolo sa mga pulis na ikinadakip ng suspek.

Sa resulta ng medical examination, lumalabas na positibong na-rape ang paslit bukod pa sa mga tinamong mga pasa sa mukha at katawan.
Mariin namang itinanggi ng suspek ang krimen.