Maagang nasira ang puri ng isang 8-taong gulang na batang babae makaraang harangin at pu­wersahang dalhin sa likod-bahay ng pinsan na binata matapos makitang naglalakad na mag-isa pauwi galing sa birthday party sa Brgy. Tambubong, Bocaue, Bulacan kamakalawa nang gabi.

Base sa report ni P/Supt. Amado A. Mendoza, Bocaue police chief, nakilala ang suspek na si Limuell Baterzal, 19, nakatira sa Brgy. Tambubong ng nasabing bayan na nahaharap ngayon sa kasong rape matapos gahasain ang biktimang si Imee (hindi tunay na pangalan) na pinsan nito.

Naganap ang insidente noong Biyernes sa pagitan ng alas-9:00 hanggang alas-10:00 nang gabi habang papauwi ang biktimang si Imee sa kanilang lugar sa Brgy. Tambubong, Bocaue nang makasalubong nito ang kanyang pinsang si Baterzal na puwersahang siyang dinala sa madilim na bahagi ng likurang bahay at pinagsamantalahan.

Kahit pinagbantaang papatayin kapag nagsumbong, ipinagtapat nito sa ina ang nangyari na mabilis na humingi ng tulong sa barangay tanod kaya’t nasakote ang suspek. Inilipat na sa kustodiya ng pulisya si Baterzal para sampahan ng kaso.