Walong Chinese national ang inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa pagkakasangkot diumano sa kidnapping sa Las Piñas City.
Kinilala ni CIDG director Maj. Gen. Amador Corpus ang suspek na sina Gui Yang, Zhou Xia Long, Wang Wen Tao, Xiong Li, Jiang Fan, Hong Pei Feng, Ly Shao Yong, at Jiang Ying Jiang. Ang mga ito ay empleyado ng Van Gogh Company at nagtatrabaho bilang mga online gamer matapos ang rescue operation sa No. 4B Virgo St., Pamplona Park Subd., Brgy. Pamplona, Las Piñas dakong alas-dos nang madaling-araw noong Hunyo 29.
Isinagawa umano ang rescue operation batay sa impormasyong ibinigay ng dalawang freelance protection agent na nagtungo sa CIDG noong Hunyo 28 at ini-report na may dalawang Chinese national ang dinukot umano ng isang grupo ng mga Tsino din na pinamumunuan ng isang alyas ‘Tanda’ o ‘Baho’.
May ipinakita rin ang dalawang agent na video ng mga biktima ng kidnapping na minamaltrato habang nakaposas.
Na-rescue ng mga operatiba ang dalawang Chinese national sina Liu Chao, 27-anyos, at Li San Sheng, 25, na nakaposas pa sa double deck na nasa loob ng isang kuwarto sa naturang bahay. Nakitaan din ang mga biktima ng mga sugat at nagkalat din ang dugo sa nasabing lugar.
Nabatid na ang modus ng grupo ay mag-operate ng online gaming website para i-monitor at kaibiganin ang mga player na nananalo.
Iimbitahan nila ang target na player sa isang hapunan at aalukin ng trabaho na malaki ang suweldo. Kapag kumagat ang biktima ay doon na isinasagawa ang pagdukot.
Kinasuhan na ang mga suspek ng kidnapping at serious illegal detention sa Prosecutors’ Office sa Las Piñas at kasalukuyang nakakulong sa CIDG Anti-Organized Crime Unit. (PNA)