8 foreign trip ni Mocha kinuwestiyon ng solon

mocha-uson

Pinagpapaliwanag ng isang kongresista si Pre­sidential Communications Operations Office (PCCO) Assistant Secretary Mocha Uson kaugnay ng walong biyahe nito sa ibang bansa loob lamang ng sampung buwan.

“Kailangan niya ring ipaliwanag ang mga fo­reign travels niya: Bakit siya naka-walong travel sa loob lamang ng sampung buwan, as of March pa lang ito? Bakit siya gumagastos ng libo-libo ‘di lang charged to PCOO kundi charged din sa pondo ng ibang ahensya?” tanong ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

“At bakit sa lahat ng pangyayaring ito, ay humihingi pa rin ang PCOO Proper ng dagdag na hi­git P102 milyong badyet o 29.9% increase? Kung tutuusin, bagsak ang performance nila pero isa sila sa nakakuha ng malaking pondo,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Castro ang pahayag tamapos tapusin ang pag-urirat sa budget ng lahat ng attached agency ng PCOO. Pero muling nabitin ang deliberasyon ng pondo para sa PCOO proper dahil hindi na naman sumipot Uson.

Dahil dito, naghain si Castro ng mosyon para ipagpaliban ang pagdinig sa budget ng PCOO proper.

Kagyat na kinuwestyon ng lady solon kung nasaan si Uson. Dahil lagi umanong absent si Uson iminungkahi ng kongresista na bawasan ang budget ng PCOO Proper.

Una aniya ay malaking usapin ng accountability ng PCOO lalo na ang opisina ni ASec Uson.

Sabi ni Castro, kailangan aniyang sagutin ni Uson ang maraming tanong ng mga Filipino ukol sa pananagutan ng PCOO at ni Asec. Uson mismo gaya ng multiple blunders at deliberate misinformation.

Kailangan din aniyang ipaliwanag ni Uson ang malisyosong atake sa mga bata, Lumad, kababaihan, may kapansanan, mga militante, at kritiko ng administrasyon.