Sinampahan ng kaso ng Philippine Competition Commission (PCC) ang walong insurance company at ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) dahil sa pagpasok sa mga kasunduang labag sa batas ng kompetisyon.

May kinalaman ito sa eksklusibong probisyon ng mortgage redemption insurance (MRI) sa kanilang mga account holder. Kapag may MRI, babayaran na ng insurance provider ang kulang na bayad sa utang sakaling mamatay ang account holder.

Ang walong insurance company na apat na dekada nang binabakuran ang negosyo ng MRI sa NHMFC ay Beneficial Life Insurance Company Inc., Country Bankers Life Insurance Corp., First Life Financial Co. Inc., Fortune Life Insurance Company Inc., Manila Bankers Life Insurance Corporation, The Ma­nufacturers Life Insurance Company (Phils) Inc., at United Life Assurance Corp.

Sabi ng PCC kahapon, naghain ng Statement of Objection ang Enforcement Office ng ahensiya noong Disyembre 27, 2019 dahil sa paglabag sa Section 14c ng Philippine Competition Act ng mga nabanggit na insurance company.

Kinasuhan din ang mga miyembro ng executive committee ng NHMFC na nag-ayos ng kasunduan sa insurance pool na binubuo ng walong kompanya: Ignaco A. Macrohon Jr., president; Daniel M. Mercado Jr., vice president; Jaime M. Santiago, chairman ng technical committee; at Evelyn T. Carada na secretary at treasurer.

Ayon sa PCC, nagsagawa sila ng imbestigasyon hinggil dito matapos lumapit sa kanilang ahensiya ang NHMFC at hiniling na muling pag-aralan ang mga kasunduan sa insurance pool. (Eileen Mencias)