8 ISIS kabilang ang 2 pinoy nasakote sa Malaysia

Edgard Arevalo

Hawak na ng pulisya ang isang lider at pito pang kasapi ng Islamic State-linked Abu Sayyaf Islamist group matapos maaresto sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ito ang kinumpirma ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo kahapon matapos matanggap ang kumpirmasyon mula sa kanilang counterpart sa Malaysia na hawak na ng Malaysian Police ang mga terorista na dalawa rito ay mga Filipino.

Ang mga ito ay pawang naaresto sa Taman Desa Baiduri, Cheras, sa Kuala Lumpur noong Miyerkules, habang sakay ng motor banca at kinilalang isa sa nadakip ay si Hajar Abdul Mubin alyas ‘Abu Asrie’.

Si Hajar ay isang Filipino mula Borneo state of Sabah at kanang kamay ni ASG sub leader Furuji Indama na nakabase sa Basilan.

Ang Abu Sayyaf ay kilalang kilabot sa pagpapasabog, pamumugot at extortion at kidnap-for-ransom activities sa Southern Philippines.

Sinabi ni Arevalo na itinuturing nilang positibo at importanteng development ang pagkakadakip sa walong terorista.