Idineklara ng isang opisyal ng Malacañang na tagumpay ang katatapos lang na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders Summit dahil sa naging matiwasay ang pagdaraos ng nasabing pagtitipon at hindi rin nagdulot ng matinding trapik sa kalsada.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar, ilang minuto lang natrapik sa kalsada ang mga motorista sa pagdaan ng mga VIP na dumalo sa ASEAN kumpara sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong Nobyembre 2015 kung saan marami ang nagdusa sa trapik.
Aminado naman si Andanar na malaki ang naitulong ng NAIA-Expressway na ipinagawa ng administrasyong Aquino para mapabilis ang transportasyon sa paliparan.
“Iyong traffic sabi nga nila eh kung dati, noong APEC isa o dalawang oras ka na mata-traffic diyan kapag dumadaan ang VIP, ngayon 8 minutes lang. ‘Yung ang calculation ni Mr. Ramon Ang ng San Miguel. Kaya timing din dahil tapos na iyong flyover papuntang NAIA 1 and 3, maganda,” wika ng kalihim.
“Maraming salamat din sa lahat ng mga kababayan natin na nag-cooperate kasi alam mo naman, hindi naman magiging matiwasay, hindi magiging maayos o orderly kung hindi nag-cooperate ang ating mga kababayan at maraming salamat din sa mga kababayang nag-cooperate para doon sa Widodo State visit at para doon sa pagbisita din ni Sultan Bolkiah,” pahayag pa ni Andanar.
Ang ASEAN ay mayroon lang 10 regular na miyembro habang ang APEC ay may 21 miyembro, kabilang ang Amerika, Russia at China.