8 nabulaga sa pot session, buy-bust

Walo kataong drug suspect kabilang ang dalawang menor de edad ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan City police makaraang magsagawa ng magkasunod na anti-illegal drug operation at mahuli sa buy-bust operation at habang nagpa-pot session ang mga suspek sa magkahiwalay na lugar sa Barangay Iba, Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Base sa report kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, acting provincial director ng Bulacan PNP, nakilala ang mga naarestong sila Isaiah John Tamang y Del Rosario; Arnulfo Malicding y Tayag; Wilmero Santoya; Samuel Ortiz; Rizalino Joson; Reynaldo de Leon; at dalawang menor de edad na binatilyo at pawang residente sa Barangay Iba, ng nasabing lungsod, na pawang nakakulong ngayon at isinailalim sa drug test sa Provincial Crime Laboratory sa Malolos City.

Nabatid na bandang alas-tres ng hapon nang magkasa ng buy-bust operation ang SDEU operatives sa ilalim ng overall supervision ni P/Lt.Col. Bernardo Pagaduan, Meycauayan City police chief, sa Barangay Iba at kanilang nadakip ang tatlong drug pusher na sina Tamang, Malicding at Santoya na kabilang sa drug watchlist bago sila nagsagawa ng follow-up operation di-kalayuan sa lugar at masakote rin ang limang suspek kabilang ang dalawang menor de edad na nagsasagawa ng pot session.

Hindi na rin nakatakbo ang limang suspek nang mahuli sa aktong bumabatak at umabot sa 22 pakete ng shabu, drug paraphernalia at buy-bust money ang narekober sa dalawang magkasunod na drug operation. (Jun Borlongan)