8 NSA wala pang SEAG lineup

Nasa 8 national sports association mula sa kabuuang 56 na sports ang ‘di pa nakakapagsumite ng kanilang mga accreditation at kredensiyal tapos ang tinakdang deadline nitong Agosto 1 ng Team Chef de Mission para sa 30th Southeast Asian Games.

Kabilang sa mga pasaway ang basketball, chess, football, kickball, polo, skateboarding, wakeboarding at e-sports, apat na buwan na lang bago pumailanlang ang 11-nation, 12-day biennial meet sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Unang hiniling ni Team Pilipinas chef de mission William ‘Butch’ Ramirez, ang chairman din ng Philippine Sports Commission, sa lahat ng NSAs na kasali sa SEA Games na isumite ang mga kredensiyal ng bawat atletang isasabak nitong Huwebes, Agosto 1.

Pinaliwanag niyang batayan ang kredensiyal ng mga atletang nakalista sa bawat sports upang maitakda ang kuwalipikasyon at kraytirya para sa pagpili ng mga magiging parte sa delegasyon ng bansa para sa SEAG.

Dinugtong ni Ramirez na ang walo’y maaaring makapagsumite ng kanilang requirements sa Agosto 15, na huling araw para sa pagsusukat sa mga atleta ng parade uniforms.

May 1,245 atleta ang bubuo sa delegasyon ng Pilipinas sa pinakahuling bilang nitong Abril 22. Nakatawan dito ang 712 lalaki at 533 babae. (Lito Oredo)