Sumiklab ang matin­ding sagupaan na humantong sa pagkamatay ng walong katao sa isina­gawang anti-drug opera­tion ng mga tropa ng pamahalaan sa kuta ng isang kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sangkot umano sa illegal drug trade sa Midsayap, Cotabato kahapon ng madaling-araw.

Tatlo ang nasawi sa panig ng mga awtoridad na kinilalang sina PO3 Darwin Espaliardo ng Naval Forces, Cpl. Jose Miraveles at Pfc. Jaypee Duran, ng 62nd Division Reconnaissance Company ng Philippine Army.

Apat naman sa grupo ni Moks Masdgal alyas Kumander Mabrooks ng MILF Lost Command ang nasawi habang isang sibilyan na si Daib Malimba ang tinamaan ng mga ligaw na bala.

Habang 16 naman ang nasugatan kabilang ang mga awtoridad na kinilalang sina 2Lt. Roel Cortuna, Sgt. Antonio Grafil Jr., Cpl. Rommel Golez, Cpl. Olo Ceazar Espanola, Pfc. Edgar Gegone Jr., Pfc. Rommnick Clerigo at Pfc. Normel Grande mga tauhan ng 62nd Division Reconnaissance Company at siyam sa grupo ni Kumander Mabrooks.

Sa ulat ni Cotabato Police provincial director Sr. Supt. Emmanuel Peralta, bandang alas-singko ng madaling-araw nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, Regional Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group ng Philippine National Police, 62nd Division Reconnaissance Company, Cotabato PNP at 34th Infantry Batta­lion ng Philippine Army ang kuta ni Kumander Mabrooks sa Sitio Ipil-Ipil, Brgy. Nabalawag, Midsayap.

Pero hindi pa nakakarating sa kanilang target ang raiding team ay pinaputukan na sila ng mga tauhan ni Kumander Mabrooks gamit ang matataas na uri ng armas.

Dahil sa dami ng mga rebelde, gumamit ng 105mm Howitzers cannon ang military para pasabugan ang kuta ng kalaban. Tumulong na rin ang dalawang MG520 attack helicopters ng Philippine Air Force at binomba ang mga armado na napilitang umatras papasok ng Liguasan Marsh dala ang mga nasawi at nasugatan nilang mga kasamahan.

Patuloy ang pagtugis ng military at pulisya laban sa grupo ni Kumander Mabrooks na sangkot umano sa illegal drug trade sa Cotabato at Maguindanao.