8 pulis, 4 bombero sugatan sa US Embassy riot

Bahagyang nasuga­tan ang walong pulis at apat na bombero matapos na pagbabatuhin ng may 300 miyembro ng mga militanteng grupo na nagtangkang makalapit sa US Embassy, kamakalawa nang gabi sa Ermita, Maynila.

Nagpagamot sa Ospital ng Maynila ang mga tauhan ng Manila Police District-District Mobile Force Battalion (MPD-DMFB) at ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos silang maghain ng reklamo sa General Assignment and Investigation Section (GAIS) laban sa mga miyembro ng Migrante, Karapatan, Anakbayan, Anakpawis, Kabataan Party-list, Gab­riela na pawang nagmula sa Southern Tagalog.

Base sa ulat ni P/S Insp.Henry Navarro, hepe ng MPD-GAIS, alas-kuwatro nang hapon nang magsimula ang mga militanteng grupo ng kanilang prog­rama sa Plaza Ferguzon sa northbound ng Roxas Boulevard.

Dakong alas-sais nang gabi nang pwersa­hang umusad para makalapit sa kabilang ba­hagi ng R. Blvd sa harapan ng US Embassy ang mga militanteng grupo kaya napilitan ang mga tauhan ng Civil Disturbance Management (CDM) na harangan sila.
Dito na nagkainitan hanggang sa pagbaba­tuhin ng mga raliyista ang mga pulis gamit ang mga stick at bato at ina­gawan pa ng kanilang kalasag upang tamaan.

Kaagad naman binuwag ng mga CDM contingent ang rally sa kabila ng pag-ulan ng mga bato, sticks at naggitgitan.
Alas-6:20 nang gabi nang tuluyang mapa-alis sa harap ng US Embassy ang mga raliyista at nagtungo ang mga nasaktan at sugatang pulis sa MPD headquarters.

Ngayong araw (Lunes) ang pormal na paghahain ng reklamo ng mga nasaktan sa MPD-GAIS.