Hindi lamang ang pinaslang na maglive-in partner na natagpuan sa isang sports utility vehicle (SUV) ang tinututukan ngayon ng mga awtoridad kundi maging ang nadiskubreng listahan ng pangalan ng walong pulis na pinaniniwalaang sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.
Napag-alaman sa San Jose del Monte PNP na nagsasagawa na ngayon ng malalimang imbestigasyon ang Police Regional Office 3 (PRO3) sa Camp. Olivas, San Fernando City, Pampanga hinggil sa natagpuang listahan ng walong pangalan umano ng pulis na nasasangkot sa ilegal na droga na kasamang natagpuan ng magkasintahang biktima na iniwanan din ng isang pakete ng shabu.
Kinilala ng pulisya ang biktimang sina Edgardo Bernardo, 42, may-asawa, negosyante, tubong Cabanatuan City at kanyang live-in partner na si Midwae Ann del Barrio, 20, kapwa nakatira sa Tandang Sora, Quezon City na kapwa walang buhay na nadiskubre sa loob ng itim na SUV na nagtamo ng mga tama ng bala sa ilang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang kagagawan ng mga miyembro ng drug syndicate.
Nabatid na alas-6:27 kamakalawa ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng mga biktima sa passengers seat ng itim na RAV4 na kapwa nakaposas at kapwa may tama ng bala sa ulo at lumilitaw na Sabado pa lamang ng gabi nang iparada ang nasabing SUV sa Quirino Highway, San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa at kinabukasan na nadiskubre ang mga bangkay nito ng isang security guard.
Bunsod nito ay hindi inaalis ng San Jose del Monte City PNP na droga ang isa sa motibo ng pamamaslang kay Bernardo at kinakasama nito at may posibilidad na pera ang isa sa ugat kaya itinumba ito ng pinaniniwalaang drug syndicate habang patuloy pa ring inaalam kung may katotohanang ang mga pulis na idinadawit sa droga ang iniwang listahan sa nasabing sasakyan.