8 sasakyan inararo ng truck sa Cavite, 6 sugatan

8 sasakyan inararo ng truck sa Cavite, 6 sugatan

Sugatan ang anim na katao matapos araruhin ng isang 10-wheeler truck ang limang sasakyan at tatlong tricycle sa Silang, Cavite.

Sa ulat, dakong alas-1:30 Huwebes ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa Tagaytay-Sta. Rosa road, Sitio Muzon, Brgy. Puting Kahoy, Silang, Cavite.

Nag-ugat ang insidente nang mawalan umano ng kontrol sa manibela si Junley Ramos sa truck na minamaneho nito, nabangga nito ang isang Mitsubishi L300 na tumama naman sa kasunod na Toyota Vios at nagtuloy-tuloy sa Mitsubishi Adventure.

Sinubok ni Ramos na maalis sa puwesto ang truck subalit puma­ling ito sa kabilang bahagi ng kalsada at nabangga naman sa dalawang kotse.

Nadamay rin ang tatlong tricycle na nakaparada sa kabilang kalsada, dahil dito nagkaroon ng pagsikip ng trapiko sa lugar.

Dinala sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna ang anim na nasugatan sa insidente.