8 tulak nagoyo ng pulis

By Vick Aquino

Hindi nakalusot sa mga tauhan ng station drug enforcement unit (SDEU) ang walo katao matapos mabuking sa kalakarang pagbebenta ng iligal na droga makaraang makipagtransaksyon sa isang pulis kahapon nang madaling-araw sa Brgy. Parang, Marikina City.

Sa report mula sa tanggapan ng Eastern Police District, isang linggong surveillance ang isinagawa ng SDEU para mahuli ang mga suspek na nagkataong magkakasama sa kanilang kalakarang pagtutulak ng droga bandang alas-12:45 kahapon nang madaling-araw sa Herbosa Compound Brgy. Parang.

Nakilala ang mga suspek na sina Joyce Ann Dela Cruz, 22-anyos, housemaid; Franklin Pedregosa, 28; Dave Quirit, 23; Amalia Rioveros, 53; Hazel Cortero y Arandia, 28; Rommel Domingo y Cruz, 45; computer technician; Rouel Rioveros, 33 at Marvin Chaves, 32, driver, pawang taga-Marikina City.

Isang pulis ang humarap at nakipagtransaksyon sa isa sa mga suspek para makabili ng droga habang ang ilang kasamahan nito ay nagsisilbing look-out at nang ibibigay na ang droga ay agad nang dinampot ang mga suspek.

Nakumpiska sa walong magkakasabwat ang limang plastic sachet na naglalaman ng shabu at P500 buy-bust money.