Umabot na sa 80 barangay mula sa 20 lalawigan at maging sa Metro Manila ang idineklarang dengue hot zone ng Department of Health (DOH), na halos doble kumpara sa dating 47 barangay lamang.
Ayon kay DOH spokesperson Dr. Eric Tayag, kabilang na dito ang mga lalawigan ng Pangasinan, Pampanga, Zambales, Batangas, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro, Antique, Negros Occidental, Cebu, Negros Oriental, Southern Leyte, Bukidnon, Lanao Del Norte, Misamis Oriental, Davao Del Norte, Davao Del Sur, Davao Oriental, Apayao, at Benguet.
Aniya, itinuturing na hot zone ang isang lugar kung makakapagtala ng tatlo o higit pang dengue cases sa loob ng apat na magkakasunod na linggo lamang.
Samantala, nakapagtala na rin ang DOH ng 84,085 dengue cases sa bansa mula Enero 1 hanggang Agosto 6 lamang habang may 372 dengue deaths.
Mas mataas umano ito ng 15.8 porsiyento kumpara sa naitalang dengue cases sa loob ng mga nabanggit na buwan noong 2015.