“Kahit sa DOLE at SBMA pa kayo magsumbong wala sila magagawa kung ayaw namin kayo papasukin.”

Ito ang tila paghahamon umano ng isang tauhan ng HR sa pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Autho­rity (SBMA) at sa Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa hindi pagpayag ng isang ­kompanya, na gumagawa ng sapatos, na makapasok ang kanilang nasa 80 empleyado.

Nagpapasaklolo kahapon ng umaga kay SBMA Chairman at Administrator Atty. Wilma T. Eisma ang nasabing mga empleyado ng Daitian Subic Shoes Inc. nang harangin ang kanilang mga motorsiklo sa entrada ng Subic Gateway Industrial Park dahil sa kawalan ng parking area sa nasabing kompanya.

Tanging 100 parking area lamang umano ang inilaan ng pamunuan ng Daitian sa kanilang mga empleyadong naka-motor at ang mga hindi nabigyan ng parking slot ay hindi na umano papapasukin sa kanilang trabaho.

Wala pang reaksyon ang pamunuan ng SBMA kaugnay sa isyu habang isinusulat ang balitang ito.