80 katao nalason sa ginataan

Umaabot sa 80 katao mula sa tatlong barangay ng Sagay City , Negros Occidental ang sinugod sa mga pagamutan matapos na malason umano ang mga ito sa kinaing ginataan na may halong nakalalasong ube noong Biyernes Santo, ayon sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) kahapon.

Base sa ulat ni Wally Afuang, hepe ng CDRRMO, agad isinugod sa Alfredo E. Marañon Sr. Memorial District Hospital (AEMSMDH) at Lopez District Farmers Hospital, Inc. (LODIFHI), ang mga biktimang residente na mula sa Barangay Lopez Jaena, Rizal at Poblacion 2 na matapos na kumain ng ginataan ay nakaramdam nang pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka.

Tradisyon na umano sa lugar na tuwing Biyernes Santo ay nagluluto ng ginataan o mas kilala sa kanila na `nilugaw o bingnit’ , ang mga residente at kanila itong pinagsasaluhan.

Ang halo ng panghimagas ay kamote, saging na saba, sago, bigas na malagkit , gata ng niyog at ube.

Isang residente umano ang nag-harvest ng isang uri ng ube na tinatawag nilang `kayos’ na idinagdag na rekado sa ginataan dahilan umano nang pagkalason ng mga ito.

Ayon kay Dr. Cyrille Adraneda, attending physician ng AEMSMDH kung saan ginamot ang 52 na biktima, may halong cyanide umano ang ube na `kayos’ , base na rin sa ginawang pag-aaral ng University of the Philippines -Philippine General Hospital National Poison Management and Control Center kaya hindi ito pwedeng kainin.

Samantala matapos mabigyan ng karampatang lunas ay pinauwi na rin noong Biyernes ng gabi ang kalahati ng mga biktima habang ang iba ay noong Sabado pa pinauwi.(Edwin Balasa)