80% ng may COVID gagaling — DOH

Kumpiyansa si Health Secretary Francisco Duque III na malaki ang tsansa ng mga kasalukuyang kaso ng Pinoy na may coronavirus na gumaling sa naturang sakit.

Bago umakyat ang kaso sa 140, sinabi ni Duque na 80-percent sa 111 na may COVID-19 sa Pilipinas ay mild lang ang sintomas. “Mataas ang chance to recover nung 80 percent, iyan ang obserbasyon natin sa mga bansang nauna nang nagkaron ng Covid-19 infection. Tapos iyong 15 percent ay moderate to severe, at ‘yung 3 to 5 percent ay critical, so, ang ating tututukan dito ay ‘yung mga severe and critical,” ayon kay Duque. Saad pa niya, dalawa hanggang tatlong linggo lang ay makakarekober na ang may mga mild symptom, samantalang ang mga severe at kritikal ang kondisyon ay posibleng umabot sa tatlo hanggang anim na linggo.

“Sa mga naka-recover, may self-monitoring tayo, sila na ang magmo-monitor mismo sa mga sarili nila,” saad pa ni Duque. Pinag-iingat din ni Duque ang publiko dahil ang isang COVID-19 positive na pasyente ay pwedeng makahawa ng hanggang tatlong katao, aniya “Kung may 111 tayo ngayon, maaari biglang umabot ng 333.” (RP)