Umabot sa halos 80,000 ang bilang ng mga sumuko at inarestong drug pushers at users sa CALABARZON mula Hulyo hanggang Setyembre, base na rin sa ulat ng Regional Peace and Order Council (RPOC)-4A.

Pinangunahan ni Antipolo City Mayor at Region 4A (CALABARZON) Peace and Order Council Chairperson Jun Ynares ang pagpupulong, na dinaluhan ng iba’t ibang governors at mayors ng mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon. Kasama rin ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaaang nasyunal tulad ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Philip­pine Drug Enforcement Agency (PDEA), Malacañang, Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Govern­ment (DILG), at Armed Forces of the Philip­pines (AFP) na ginanap sa Sta. Rosa, Laguna.

Kabilang sa naging adyenda ang estado ng kriminalidad at ang ulat sa kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.

“Sa kasalukuyan pong nangyayaring kabi-kabilang pagsuko ng mga drug users at pushers, hindi po natin alam kung sino ang mga sinserong tutupad sa kanilang sinumpaang pa­ngakong titigil na sa paggamit nito.

Kaya’t kaila­ngan po nating magtulu­ngan lahat lalo na ang mga opisyales sa barangay na maging aktibo at agresibo sa mga operasyong kontra droga dahil naniniwala po ako na ang mga kapitan ang mas nakakaalam ng mga impormasyon na kailangan ng ating kapulisan upang mahuli ang mga taong sangkot sa droga,” pahayag ni Mayor Ynares.

Iniulat ng PDEA na 75% sa mga barangay ng CALABARZON ang naklasipika na apektado ng iligal na droga.