82 pasyente pa gumaling sa virus

Naitala ng Department of Health (DOH) ang pinakamalaking bilang ng pasyente na nakarekober sa COVID 19 kahapon sa bansa.

Sa isang virtual presser , inihayag ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na hanggang alas-4:00 ng hapon ay nadagdagan pa ng 82 katao ang pasyenteng nakarekober mula sa virus kaya umabot na sa 435 ang gumaling sa sakit.

Habang kamakalawa sumampa sa 58 ang nakarekober sa sakit.

Gayundin, sa DOH COVID-19 Bulletin no.33, may 207 bagong kumpirmading kaso COVID-19 cases kung saan umabot na sa 5,660 ang kumpirmadong nagpositibo sa virus at sila ay binigyan ng patient ID # na PH 5454 -PH5660.

Habang nadagdagan pa ng 13 pasyente ang binawian ng buhay dahil sa karamdaman na dahilan para umakyat na sa 362 ang total death toll ng COVID-19 sa bansa . (Juliet de Loza-Cudia)