Noong nakaraang Huwebes Santo, isa sa malaking balita sa labas ng bansa ay ang ‘sorpresang’ biyahe sa China ng lider ng North Korea na si Kim Jong-un.

Ang insidente ay hindi naitago dahil namataan ng ‘eagle eye’ ng Japan ang isang rumaragasang ‘green train’ sa pagitan ng ‘border’ ng China at North Korea. Ang direksyon mula Pyongyang patungong Beijing.

***

Hindi na naitago ng Beijing at Pyongyang ang insidente. Matapos magkita sina Chinese Leader President Xi Jinping at Kim, agad inanunsiyo ang pagkikita.

Isa sa napag-usapan ay ang ‘commitment’ ng North Korea sa ‘denuclearization’ ng Peninsula, ayon ito sa Xinhua News Agency.

Nabanggit din ang kahandaan ni Kim na makipagkita kina South Korean Leader Moon Jae-in at US President Donald Trump.

***

Ang biglaan kayang pagkikita nina Xi at Kim ay may kaugnayan sa paniniguro ng China na hindi ito maiisahan ng Washington sa pulong nina Kim at Trump na inaasahang magaganap sa susunod na buwan ng Mayo?

Gaano ba kahalaga ang biyaheng ito ni Kim sa Beijing? Mayroon bang mga ‘concession’ at kapalit ang pagkikitang ito ng dalawang lider?

Bagama’t sa mga nakalipas na buwan ay nagkaroon ng ‘lubak’ sa relasyon ng dalawang bansa, dahil sa pagsuporta ng Beijing sa isang UN resolution na may kinalaman sa sandatang-nukleyar, nanatili pa ring ‘close allies’ ang China at North Korea, kapwa usapin ng kalakalan at higit lalo sa usaping militar.

Anumang pakiki­pagmabutihan na papasukin ng North Korea sa South Korea at Estados Unidos ay dapat ikonsidera rin ang damdamin ng China.

Mahalay naman, kung hindi bubusina si Kim sa kanyang Kuya sa Beijing sa kanyang pakikipagkita kina Moon Jae-in at Trump.

***

Kalkulado ang biyaheng ito sa Beijing ni Kim. Naniniguro lang ang North Korean lea­der na hindi sasama ang loob ni Xi sa kanyang pakikipagkita kina Moon Jae-in at Trump.

Sakaling hindi magkaroon ng positibong resulta ang pagpupulong at magdeklara ng tinatawag na ‘fai­lure of diplomacy’ ang okupante sa White House, nanatiling bukas ang komunikasyon sa Beijing at si Kuya ay handang tumulong sa nakababatang kapatid na nangangailangan.