84 nakakulong na foreigner, negative sa COVID-19

Negatibo sa pandemic coronavirus ang 84 mga dayuhan na nakakulong maging ang 75 mga tauhang nakatalaga sa detention facility sa Bicutan, Taguig City.

Inihayag ni Bureau of Immigration (BI) Medical Section Chief Dr. Marites Ambray na ang kabuuang 159 indibidwal ay sumailalim sa rapid antibody tests nitong Martes sa naturang kulungan na nasa loob ng Camp Bagong Diwa.

Sinabi ni Ambray na dahil sa limitadong bilang ng mga test kit, 84 lamang sa higit 400 mga dayuhang inmates ang nasuri. Ang mga itinuturing na nasa peligro o mabilis mahawaan ng virus, tulad ng mga senior citizen at mga taong nagpapagamot ang binigyan ng prayoridad.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang resulta ay epekto lamang ng isang positibong tanda na ang mga protocol at mga hakbang na itinatag ng ahensiya ay nakakatulong upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga nakakulong at empleyado ng BI sa naturang lugar. (Mina Aquino)