(Updated as of 7:30AM, May 29) Sa pinakahuling report, umabot na sa 100 ang patay sa sagupaan sa pagitan ng Maute group at militar sa Marawi City, ayon sa Armed Forces of the Philippines.
Uumabot na sa 61 ang patay sa hanay ng Maute habang 20 sundalo na ang nasawi at 19 sibilyan din ang napatay sa naturang bakbakan.
Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, spokesperson ng 1st Infantry Division ng Philippine Army, ang bilang ng pinatay ng mga rebelde ay kinabibilangan ng mga kababaihan at bata.
“These are civilians, women. These terrorists are anti-people. We found their bodies while conducting rescue operations (on Saturday),” pahayag ni Herrera.
Nakarekober din ang pamahalaan ng 16 matataas na kalibre ng armas na gamit ng Maute group.
Sa napatay na sibilyan kabilang ang walong bangkay ng kalalakihan na pawang mga trabahador ng isang bakery sa Marawi City na natagpuan sa isang open manhole sa lungsod.
Hanggang sa ngayon, nagpapatuloy umano ang pagsasagawa ng surgical airstrike sa Marawi City habang patuloy din ang clearing operations.
Pero sinisikap umano ng militar na tapusin na ang operasyon sa lalong madaling panahon lalo’t panahon na ng Ramadan.
“Hangad ng AFP na malinis laban sa presensya ng terorista sa lalong madaling panahon ang Marawi nang walang malaking damage,” wika ni Herrera.
Naunang sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na kailangan pa rin ang airstrike dahil pinupuwersa ng mga rebelde ang gobyerno na gawin ito.
“In as much as we would like to avoid collateral damage, these rebels are forcing the hand of government by hiding and holding out inside private homes, government buildings and other facilities,” ani Padilla. “Their refusal to surrender is holding the city captive. Hence, it is now increasingly becoming necessary to use more surgical airstrikes to clear the city and to bring this rebellion to a quicker end.”