Nanawagan sa isinagawang multi-stakeholder forum ng Philippine Foundation for Vaccination ang mga doktor at eksperto na itigil na ang pagkakalat ng mali at malisyosong impormasyon tungkol sa bakunang pang-dengue na Dengvaxia.

Ayon kay Dr. Charles Yu, dating pangulo ng Philippine College of Physicians (PCP) at isa ring magulang na may kaisa-isang anak na nabakunahan ng Dengvaxia, ang mga maling impormasyon at balita ukol sa isyu ay nagdudulot ng hindi makatuwirang pangamba at takot sa mga magulang na katulad niya.

“Huwag kayong makinig sa hindi naman eksperto, dine-bunk na ng world expert, nakikinig pa din kayo. The stress from daily barrages from media causes stress on Dengvaxia parents like me,” pagdidiin ni Yu.

Tinutukoy ni Dr. Yu ang ulat ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (SAGE) sa World Health Organization (WHO) na inilabas nitong Abril kung saan nakasaad ang pagpapatunay ng “public health value” ng bakunang Dengvaxia.

Nilinaw din sa ulat ng SAGE na maaari daw matanggap ang bakuna maski walang “pre-vaccination screening” lalo na sa mga bansang may “hyper-endemic settings” o mataas na kaso ng dengue ka­tulad na lang ng Pilipinas.

Samantala, nagpaha­yag din ng paglilinaw si Dr. Edsel Salvana, isang infectious disease expert at Outstanding Young Scientist Awardee 2010 bilang panelist sa nasabing forum upang maliwanagan ang mga magulang.

Aniya, kinumpirma muli ng WHO-SAGE na ligtas at epektibo ang Dengvaxia sa mga nagkaroon na ng dengue o “seropositive” dahil napapababa ang panganib ng severe dengue ng 93%.