Patalbugan sa kampanyahan

For the Record by Aileen Taliping

Umarangkada na ang kampanya ng mga kandidato para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections kaya’t aasahan ang mga kanya-kanyang gimik para makakuha ng boto.

Mula chairman hanggang mga kagawad ay tiyak na may mga naiisip nang paraan para makuha ang boto ng kanilang mga ka-barangay lalo pa at isang linggo lang ang kanilang pagkakataon para makapa­ngampanya.

Hindi maiiwasan ang ingay sa mga kalsada sa pagdaan ng mga inupahang mga mananayaw o kaya naman ay ati-atihan para magpakilala ang mga kandidato o kaya naman ay magbahay-bahay para makipagkamay lang.

Nariyan din ang mga kandidatong namumudmod ng mga pamaypay o kung ano-ano pang bagay kung saan nakasulat ang kanilang mga pangalan.

Ang mga SK candidate naman kalimitan, ay dinadaan sa karisma at pa-cute ang mga kabataang botante para masigurong makukuha ang boto.

Sana lang bukal sa loob ng kabataang ito ang pagkandidato, may makatotohanang adbokasiya, at hindi para magkaroon lang ng titulo.

Sa ilang panahong hindi napalitan ang dating mga SK chairman sa barangay, walang nabalitaang katangi-tanging nagawa ang mga ito para maipagmalaki ng kabataang Pinoy.

Sana lang, hindi lang pa-liga, barangay beauty contest at street party ang iorganisa ng mga mahahalal na SK chairman, bagkus ay mag-isip ng mas makabuluhang hakbang na tutugon sa mga maka­bagong problema ng kanilang komunidad.

Sa mga panahon ng kampanya ay mahirap makita ang sinseridad ng mga kandidato dahil sa mga ganitong panahon lang sila mada­ling makausap, maging super-friendly at todo pangako kaya’t dapat na maging matalino ang mga botante.

Hindi dapat magpa­silaw sa mga pangako lalo na sa mga reelectionist kung sa tingin nila ay wala namang nagawa sa kanilang mga naunang termino.

Ang politiko ay politiko, maging ito man ay tatakbo sa pinakamataas o pinakamababang puwesto, kaya’t pag-isipang mabuti ang boto.

Iilan-ilan lamang ang nakilala kong mga opisyal ng barangay na talagang nagtatrabaho, habang ang ibang kasamahan ay pagkakakitaan ang ina­atupag at nasa isip.

Magkakaalaman din sa Mayo 14 kung may epekto ang inilabas na narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nag­lalaman ng pangalan ng mga kapitan de barangay na sangkot sa illegal drug trade.

Sa eleksiyon masusukat kung nag-mature at nagising na ang kamalayan ng mga botante tulad ng kanilang pagkamulat sa mga nangyayari ngayon sa bansa sa tulong ng modernong teknolohiya.

Huwag sayangin ang boto, ibigay ito sa kandidatong inaakalang tapat maglingkod at walang itinatago sa kanilang mga ka-barangay.