Nakatakdang bumalik ngayong gabi ang dele­gasyon ng Pilipinas na nagtungo sa Kuwait para lagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) na titiyak sa kaligtasan at seguridad ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.

Kasamang babalik sa Pilipinas nina Presidential Spokesman Harry Roque at Labor Secretary Silvestre Bello III ang 87 OFWs na naharap sa problema sa Kuwait.

Bitbit nina Roque at Bello ang nilagdaang kasunduan na ipepresenta kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang pakikipag-usap sa mga opisyal ng Kuwait.

Naunang inihayag ni Roque na posibleng uma­bot sa 200 ang maiuuwi nilang OFWs pero dahil may mga aasikasuhing dokumento ang iba ay bumaba ito sa bilang na 87.

Nangako ang Kuwaiti government na babalikatin ng kanilang gobyerno ang pagpapauwi sa 500 Filipino na nagkaroon ng problema sa kanilang bansa.

Matatandaang binigyan ng amnestiya ng Kuwaiti government ang mga OFW na may problema sa kanilang trabaho at pananatili sa Kuwait subalit natapos na ito noong nakalipas na buwan.

Bukod kina Roque at Bello ay kasama rin sa delegasyong nagtungo sa Kuwait noong Martes ng gabi sina dating Labor Secretary Marianito Roque, Labor Attache Rustico Dela Fuente, at Deputy Chief of Mission in Kuwait Mohd Noordin Lomondot.