88 Aces inutusang bayaran ng US$62K ang nagkasakit na marino

Inatasan ng Supreme Court (SC) ang isang recruitment firm na bayaran ng halagang $62,024 ang isang seaman matapos tumanggi na ipa-check up ito nang bumalik sa Pilipinas.

Sa 18 pahinang desisyon na sinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, sinabi ng SC Third Division na ang trabaho ni Apolinario Z. Zonio Jr. sa barko ay naging dahilan para malantad ito sa physical, mental at emotional stress na nagpalala sa kanyang sakit na diabetes mellitus.

Nabigo umano ang 88 Aces Maritime Services Inc. na ipagamot si Zonio hanggang sa matapos nito ang kanyang kontrata noong 2012.

“Having failed to present evidence to defeat the presumption of work-relatedness of Zonio’s diabetes mellitus, the prima facie case that it is work-related prevails,” ayon sa SC.

Ang nabanggit na halaga ay para sa permanent total disability benefit na US$60,000 at sickness allowance na US$2,024 ni Apolinario Z. Zonio, Jr.
Pinagbabayad rin ng 10% ng attorney’s fee ng kabuuang monetary award na magkatuwang na ibibigay ng respondent na 88 Aces Maritime Services Inc., presidente nitong si Janet A. Jocson, at ng foreign principal ng kompanya na Khalifa Algosaibi Diving & Services Co. (Khalifa Algosaibi).

Noong Mayo 2015 naghain ng reklamo si Zonio sa labor arbiter laban sa mga respondent.

Naglabas ng desisyon ang labor arbiter pabor kay Zonio pero naghain ang 88 Aces ng apela sa Court of Appeals (CA) at pinaboran naman nito ang naturang kompanya kaya inakyat ni Zonio ang kaso sa SC. (Juliet de Loza-Cudia)