Umaabot na sa mahigit 8,000 mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nagbalik-loob na sa pamahalaan simula Hunyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 27, 2018.

Ito ang sinabi kahapon ni Department of National Defense (DND) Undersecretary Reynaldo Mapagu sa paglulunsad ng Task Force Balik Loob sa Camp Aguinaldo, kung saan hinihimok ng pamahalaan ang mga rebelde na sumuko na at magbalik-loob sa pamahalaan.

Ayon kay Mapagu, bukod sa financial assistance at pabahay ay mayroon pang legal assistance na iaalok ang pamahalaan sa kanilang pagsuko.

Sa mga NPA naman na may mga nakabinbing kaso, sinabi ni Mapagu na gagawin nila ang lahat para matulungan ang mga ito.

“May nagbigay ng mga feelers, karamihan sa kanila ‘yung may mga kaso, sabi nila may pending warrants sila o pending cases. Sabi namin sa kanila, they just come down if they want. We will help them in coming down. Sabi ko nga kahit may pending warrant case, hi­hingi tayo ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO),” saad ni Mapagu.

Layunin ng kampanyang Task Force Balik Loob ang paghikayat sa mga natitira pang NPA na sumuko na at pakinabangan ang benepisyo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at makasama ang pamilya sa dara­ting na Kapaskuhan.