Swak sa bilangguan ang isang babae at walong lalaki na diumano’y mga pasaway kapag nakabatak ng droga makaraang matiyempuhan ng mga pulis habang nagsasagawa ng pot session sa magkasunod na anti-illegal drug operation sa Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Sa report ng tanggapan ni Police Lt. Col. Amado Mendoza Jr., hepe ng Marilao Police Station, nakakulong na ang siyam na suspek na hindi muna pinangalanan.
Pasado alas-nuwebe ng gabi nang ikasa ang anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa isang bahay sa Brgy. Lambakin at tatlong suspek ang nahuli sa aktong bumabatak ng shabu.
Makalipas ang ilang minuto, nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis ‘di kalayuan sa unang bahay na sinalakay at naaresto naman ang anim pang suspek kabilang ang isang babae habang nagsasagawa ng pot session.
Ayon sa report, narekober din sa kanila ang ilang pakete ng shabu at mga drug paraphernalia. (Jun Borlongan)