Nagwakas sa malupit na kamatayan ang buhay ng isang 9-anyos na batang lalaki sa lalawigan ng Basilan makaraang igapos ito ng kanyang ina saka hinambalos ng kawayan dahil sa pangungupit ng P50, kamakalawa ng hapon.

Base sa ulat ng pulisya sa Basilan, dakong alas-singko ng hapon nang makita na lang na hindi na gumagalaw ang paslit sa loob ng kuwarto nito kung saan siya iginapos at saka pinagpapalo ng kanyang ina na nakilala lamang sa pangalang ‘Sherma,’ 29-anyos.

Bago nadiskubreng patay na ang biktima, binanggit sa ulat ng pulisya na bandang ala-una ng hapon noong Sabado ay nangupit umano ang paslit ng halagang P50 sa pitaka ng kanyang nanay upang ipambili ng pagkain habang naglalaro sa ilog malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Tairan, Lantawan, Basilan.

Umuwi ang biktima na basang-basa ang damit na lalong ikinagalit ng kanyang ina dahilan upang kaladkarin nito ang paslit, iginapos ang dalawang kamay at binusalan pa umano ang bibig, pagkatapos ay pinagpapalo ng kawayan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Matapos kastiguhin, iniwan ng ginang ang paslit sa kuwarto nito at ikinandado pa.

Dakong alas-singko ng hapon, binalikan ng ina ang biktima sa kuwarto at dinatnan itong walang malay kaya agad niyang isinugod sa Basilan General Hospital pero idineklarang dead-on-arrival.

Nakakulong na ang ginang sa Lamitan Police Station at kinasuhan dahil sa pagkamatay ng kanyang anak.