Nasawi ang isang 9-anyos na batang babae dahil umano sa pagkalason makaraang kumain ito ng yogurt stick na kanyang nabili sa tindahan sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Sa ulat ng pulisya, namatay ang biktimang si Princess, grade school pupil ng Brgy. GraceĀ­ville ng nasabing lungsod, matapos kumain ng nasabing candy.

Nabatid sa ina ng biktima na nakilalang si Katherine de Leon, naganap ang insidente noong Disyembre 30, 2018 bumili ng yogurt stick ang kanyang anak sa hindi tinukoy na tindahan sa kanilang lugar at nang makain na ito ay nakaramdam na ng pagkahilo at pagsusuka ang bata.

Agad na isinugod ang biktima sa ospital ngunit matapos ang dalawang oras ay namatay ito.

Nagsagawa na ng imbestigasyon ang pulisya at dinala na sa Food and Drug Administration ang sample ng yogurt stick na nabili ng biktima. Hindi naman inaalis ang posibilidad na expired na ang nabiling yogurt stick. (Jun Borlongan)