9 barangay sa Baguio ni-lockdown

Inutos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isailalim sa lockdown ang isang pang barangay, kasunod ng walong nauna, dahil sa patuloy diumanong pagsuway ng mga residente sa pinatupad na enhanced community quarantine.

Sa memorandum ni Magalong kay Brgy. Padre Zamora Captain Ricardo Valenton, ang mga magsasagawa lamang ng vital service at mga residente na may medical emergency ang maaaring papasukin at palabasin sa nasabing lugar.

Kasabay nito, sinuspinde rin ng local chief executive ang home quarantine pass na ginagamit ng bawat pamilya sa pagbili ng mga pagkain at gamot.

“Residents who need to purchase essentials may proceed to their satellite markets or rolling stores, or they must coordinate with barangay officials to access their basic needs,” giit ni Magalong.

Hindi naman binanggit ng alkalde kung hanggang kailan ipatutupad ang kaniyang ibinabang memorandum, kung saan umaabot sa 523 households, o 5,000 indibidwal, kabilang ang mga stranded student at visitor ang naapektuhan ng paghihigpit.

Ang Padre Zamora ang ika-siyam na barangay sa Baguio City na isinailalim sa restrictive quarantine sa layuning masawata ang pagkalat ng COVID-19.

Kabilang sa mga barangay na naka-lockdown ay ang San Luis Extension; Woodsgate Subdivision, Camp 7; San Vicente; Purok 1, Camp 8; Teachers Village, Sto. Tomas Proper; Sitio Sto. Nino, Bakakeng Central; Sector 5, Dominican-Mirador; at BGH Compound. (Dolly B. Cabreza)