9 Koreano dinampot sa online gaming sa QC

Siyam na puganteng Koreano na nagtatrabaho sa online gaming ng walang working permit at maayos na visa, ang dinampot sa manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10, District Intelligence Division (DID), Bureau of Immigration (BI) at Korean Police sa Quezon City, nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa report ng Kamuning Police Station 10, na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Louise Benjie Tremor, alas-otso ng gabi (Marso 4), nang salakayin ng mga awtoridad ang M&J Bldg 121-A Roses Ave.. at #72 A Scout Fuetabella St., Brgy. Laging Handa, QC.

Dito nadakip ang suspek na sina Kim Tae Ryeong, 25; Jung Cham Woo, 25; Hasungh Yun, 25; Ro Mik Yung, 27; Jehung Bea, 29; Im Sakin, 30; Chea To on Chun, 26; Park KI Ming, 32, at IH Sing Wan, 28-anyos.

Nakumpiska sa mga ito ang 2 pirasong navy blue na back pack, black duffle bag, black pouch, converge fiber x internet modem, 3 Samsung smart phone, Iphone 7, Samsung laptop, emporio armani wrist watch, (1) pair of Samsung earpod, (1) unit linksys Wifi router, (1) unit laptop cooler with mouse, (1) piece globe prepaid card, speaker, powerbank, 45 Monitor, 18 CPU at isang CCTV.

Ang mga naarestong dayuhan ay dinala na sa Bureau of Immigration para mangasiwa sa imbestigasyon at deportasyon. (Dolly Cabreza/Mina Aquino)