Siyam na hinihinalang biktima ng trafficking na nagpanggap umano bilang mga turista ang nasagip ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang siyam na hinihinalang biktima ay patungo sana ng South Korea.

Sa ulat ni BI Port Ope­rations Division Chief Grifton Medina, papasakay na sana ang mga pasahero ng Air Asia na may flight patungong Taipei nitong Huwebes nang maharang ng BI-Travel Control and Enforcement Unit.

Inamin umano ng siyam na sila ay patungo ng Korea at sila ay iligal na na-recruit para magtrabaho bilang mga orange picker sa isang plantasyon sa Jeju Island.

Noong una ay sinabi raw ng mga pasahero na sila ay patungo ng Jeju para manoood ng Nanta acrobatic exhibition show.

“When asked, they could not explain and had no idea what the Nanta show is all about and their answers to questions by immigration officers were highly inconsistent,” paglalahad ni Medina.

Pero sa gitna ng pagtatanong, inamin din kalaunan ng mga pasahero na sila ay kinuha para magtrabaho kapalit ng pangakong suweldo na P65,000 kada buwan. (Maricel Diaz)