Siyam na kalalakihan na sinasabing mga tulak ng iligal na droga ang humandusay sa kamatayan ng kumasa sa mga aarestong alagad ng batas sa ginawang magkakahiwalay na drug operation sa tatlong lungsod sa Metro Manila kahapon ng madaling-araw.
Sa Navotas City, ayon na rin ulat ni PCS/Supt. Dante Novicio, ganap na alas-singko nang madaling-araw nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Navotas City Police, Northern Police District, Special Weapons and Tactics (SWAT) at District Public Safety Company.
Pagdating umano sa Market III, Navotas Fish Port Complex ay bigla silang pinaputukan ng mga suspek na sina Gerald Butillo, 35, ng Kadamay Street, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN); Vicente Batiancilla alyas Jasper, 31, ng Market III, Fish Port; at tatlong nakilala lamang sa mga Alyas na Champoy, Nono Lome at Alvin Toyo.
Dahil dito, gumanti na rin ng putok ang mga awtoridad sa mga suspek na agad ikinasawi ng mga ito.
Nasa tatlo naman tulak ng illegal drugs ang nasawi matapos na umano’y makipagbarilan sa mga pulis sa nangyaring engkwentro sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng ala-una ng ng madaling-araw.
Sa ulat ng Northern Police District (NPD) partikular ni PS/Supt. Roberto Fajardo, nangyari ang insidente sa kahabaan ng PNR Railway, Daang Bakal, Guido I, Brgy. 33 ng nasabing lungsod.
Nakatanggap umano ng tawag ang Caloocan City Police-Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na bentahan ng shabu sa lugar.
Agad na nagkasa ng operasyon ang nasabing himpilan at pagdating sa lugar ay naaktuhan ang mga suspek na ang isa ay nakilalang si Reggie Sarmiento, habang ang dalawa ay inaalam pa rin ang pagkakakilanlan.
Subalit nang makitang papararating na ang mga alagad ng batas ay mabilis na nagtakbuhan ang mga parokyano ng mga suspek.
Agad umanong nagpaulan ng bala ang mga suspek sa kinaroroonan ng mga pulis na napilitan namang gumanti ng putok na agarang ikinamatay ng mga una.
Nasawi rin ang isang hinihinalang drug pusher sa isinagawang drug operation ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD)-Police Station 6, kahapon ng madaling-araw sa may Sta. Ana, Maynila.
Kinilala ni SPO2 Charles John Duran ang nasawi na si Willie Ternora alyas Willie, nasa hustong edad at taga-1858 Oro-B Sta. Ana, Maynila.
Sa imbestigasyon nagsagawa umano ng buy-bust operation ang mga pulis kung saan umaktong poseur buyer si PO2 Benjamin Oh.
Nagkaabutan na ng shabu at marked money nang makahalata ang suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya tinangka nitong bumunot ng baril pero naunahan siya ni Oh na magpaputok.
Naisugod pa ang suspek sa Sta. Ana Hospital pero idineklara itong patay ng mga doctor dakong alas-2:10 ng madaling-araw.