Papalo sa siyam na katao na hinihinalang sangkot sa operasyon ng illegal drugs ang magkakasunod na pinabulagta sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kamakalawa at kahapon.

Una rito ang pagkasawi ng isang drug user na nanlaban nang mahuli sa aktong bumabatak ng shabu sa loob ng barung-barong na drug den umano ng mga drug addict sa pagsalakay ng mga alagad ng batas kamakalawa ng hapon sa likuran ng Quinta Market sa may Muelle de la Quinta St., Quiapo, Maynila.

Inilarawan ni SPO2 Bernardo Cayabyab ang biktima na nasa edad 25-30, may taas 5’, katamtaman ang pangangatawan.

Nakatanggap umano ng ulat ang mga pulis mula kay Kagawad Ervin Vincent Tobilla na ang naturang lugar ay ginagawang drug den. Kaya dakong alas-4:10 ng hapon nang magtungo ang mga pulis at naaktuhan ang suspek na sumisinghot ng shabu. Sa halip na sumuko ay bumunot ito ng baril at nanlaban kaya’t gumanti ang mga awtoridad.

Apat na kalalakihan naman ang nasawi nang makipagbarilan sa mga pulis habang nagsasagawa ng ‘Oplan Tokhang’ makalawa ng gabi sa Pasay at Taguig City.

Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Ge­rald Bituaran, nasa hustong gulang ng Brgy. 193 Pasay City at isang ‘alias Jessie’, kapwa ang mga ito ay kaagad na binawian ng buhay sanhi ng ilang tama ng balang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Sa report, dakong alas-sais ng gabi nang maganap ang insidente sa ilalim ng Cut-Cut Bridge, NAIA Road at panulukan ng Verbena St., Brgy. 199 ng naturang lungsod.

Alas-12:05 kahapon ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng dalawang hindi kilalang lalaki malapit sa Tinga Gym, kahabaan ng C-6 Road, Brgy. Hagonoy, Taguig City.

May hinala ang Taguig Police na biktima ang mga ito ng summary execution na iniimbestigahan kung may kaugnayan sa droga.

Humandusay din ang isang mag-ama nang manlaban sa mga tauhan ng Northern Police District – District Special Operation Unit (NPD- DSOU) sa buy-bust operation sa loob mismo ng bahay ng mga ito sa Bagong Barrio, Brgy. 146, Caloocan City kahapon ng ala-una y medya ng madaling-araw.

Nagpanggap na buyer ang confidential informant kasama ang ilang alagad ng batas sa bahay ng suspek na si Luisito Bonifacio, 44 kung saan naroroon din ang anak nitong si Gabriel Bonifacio, 18.

Sa transaksyon ay nakatunog ang mag-ama na mga alagad ng batas ang kanilang katransaksiyon kaya pinaputukan ang informant at mga tauhan ng pulisya. Gumanti naman ng putok ang mga nakapalibot na alagad ng batas.

Dalawang lalaki na sangkot umano sa droga ang pinagbabaril at napatay ng riding in tandem kahapon sa Makati City.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Makati ang biktimang si Prince Santos, 23, binata, ng Juan Luna St., Brgy. Rizal.

Dead on the spot naman ang isa pang biktima na inaalam pa ang pagkakakilanlan na nagtamo ng limang tama ng bala.