9 pulis-QC isinulat sa bangkay ng drug suspect

Ipinag-utos ni Quezon City Police District (QCPD) director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang masusing im­bestigasyon sa siyam na pulis ng lungsod na nakasulat ang mga pangalan sa karatulang ipinatong sa bangkay ng isang hindi pa nakikilalang la­laki na biktima ng summary exe­cution nitong madaling-araw ng Huwebes.

Base sa rekord ng Criminal Investigation and Detection Unit, pa­sado alas-tres ng mada­ling-araw nang matagpuan ang bangkay ng la­laki sa Central Avenue, Brgy. Culiat ng mga nagpapatrulyang miyembro ng Barangay Public Safety Office na nakabalandra sa gilid ng kalsada.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na binigti sa pamamagitan ng kable ang biktima at ibinalot ng duct tape ang mukha. Nakagapos din ang mga kamay nito.

Nakatagpo din ang SOCO ng tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Sa ibabaw ng bangkay ng lalaki nakapatong ang isang cardboard na may nakasulat na “WAG TULARAN DRUG PUSHER AKO NG MGA PULIS NA NAGRERECYCLE NG SHABU, CAPT DAMASO GAYATAO @ “FATHER”, PO3 JOJO TORREFIEL, PO2 MAX TARAFE, PO2 MIKE NARAG, PO2 CHRISTIAN BARREDO, PO2 RICHARD GALVEZ, PO2 GARY GAERLAN, PO1 BALISTOG and TATA GLEN”.

Ayon kay Eleazar, ang mga nabanggit na pangalan ng mga pulis ay pawang­ aktibong miyembro ng QCPD.

“We will look into the identity of the perpetrator of the crime and will va­lidate the involvement of the policemen cited on a cardboard.

The QCPD will leave no stone unturned to establish the veracity of the allegation,” sabi ni Eleazar.