9 tulak bumulagta sa parak

dead-body

Umabot sa siyam na drug personalities ang magkakasunod na bumulagta sa anti-drug operation ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drug-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Quezon City Police District (QCPD) sa tatlong barangay sa buong magdamag.

Sa report na isinumite kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, kabilang sa limang nasawing drug suspects ay pawang mula sa Brgy. Gulod na nakila­lang sina Ryan Trinidad y Gacuray, alyas ‘Ryan’ 34; Mark Anthony Pidlawan y Brigania, 25; Richard Roque y Siena, 29, at dalawang pang kasamahan nila na kapwa wala pang pagkakakilanlan.

Dakong alas-7:15 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Sitio Santa Marcela St. kanto ng Be­len St., Brgy. Gulod, Novaliches. Nakipag-tran­saksyon ang mga ope­ratiba ng QCPD-SAID Station 4 sa pamumuno ni Sr/Insp. Randy Llanderal sa suspek na si Trinidad na kabilang umano sa drug watch list ng nasabing himpilan ng pulisya.

Subalit sa kalagitnaan ng transaksyon ay nakatunog si Trinidad at apat nitong kasamahan na nasa loob umano ng bahay, kaya’t mabilis na pinaputukan ang mga awtoridad na agad gumanti na ikinamatay ng mga una.

Kasunod na operasyon ng QCPD SAID-SOTG Station 4 ay dakong alas-11:45 ng gabi sa Maligaya St., malapit sa Bermarty Subd., Brgy. Bagbag kung saan dalawa pa ang bumulagta na nakilalang sina Raymark Mendoza y Ilay, alyas ‘Bulataw’ 26; ng D-11 Road 4, Abbey Road, Bagbag, Novaliches at si Machoman Patricio y Layno, alyas ‘Choking’; 20, ng nasabi ring lugar.

Target ng operasyon ng SAID-SOTG sa pamumuno ni P/Senior Insp. Dennis Francisco, ang suspek na si Mendoza na kabilang din sa drug watch list ng kanilang himpilan.

Pero habang nagpapalitan ng items ang nagpanggap na buyer na pulis kay Mendoza kasama si Patricio ay natanaw ng mga ito ang paparating na mga kasamang operatiba kaya’t nagtatakbo ang mga ito na nauwi sa habulan.

Nang makorner ang dalawang suspek, sa halip na sumuko ay nanlaban umano ang mga ito at pinaputukan ang mga operatiba kung kaya’t nang gantihan ng mga awtoridad ay kapwa tumimbuwang.

Habang dakong alas-2:30 ng madaling-araw naman nang isagawa ng mga operatiba ng QCPD SAID-SOTG ng Station 7 ang buy-bust operation laban sa mga suspek na sina Rodolfo Odtuhan, alyas ‘Chokoy’, 33, at isang alyas ‘Cris’, sa No. 120 C. Benitez St., Brgy. San Martin de Porres, Cubao, QC.

Katulad din ng ginagawang operasyon ng mga operatiba ay nakatunog ang mga suspek na parak ang kanilang ka-deal at nanlaban kaya’t tumimbuwang din sa ganting putok ng mga pulis.