90% ng mga LGU sa ‘Pinas walang sanitary landfill

Nais ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na maging madali at mura ang pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga sanitary landfill upang magkaroon ang mga local government unit (LGU) ng kanilang solid waste management facility lalo na ngayong lumalala ang problema sa koleksyon at pagtatapon ng basura sa bansa.

Ang sanitary landfill ay ang waste dispo­sal method na pinapayagan sa ilalim ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at kinakailangang sundin ng mga LGU.

Ayon kay Cimatu, nahihirapan ang ilang LGU na sumunod sa batas na ito dahil sa malaking gastos at kumplikado ang pagpapagawa at pagpapanatili ng sanitary landfill.

Sa ngayon aniya, 10% lamang ng mga LGU sa buong bansa ang mayroong sanitary landfill, dalawang dekada matapos pagtibayin ang RA 9003.

Dahil dito, minungkahi ng kalihim na gawing madali at mura ang pagpapatayo at pagpapatakbo ng sani­tary landfill na hindi masasakripisyo ang layunin ng batas para sa maayos na garbage disposal.

Ayon pa kay Cimatu, kailangan ng mala­king halaga sa pagkakaroon ng epektibong so­lid waste management pero may iba namang paraan para magawa ito ng mga LGU.

Aniya, maaaring magtulungan ang magkakalapit na bayan at lungsod upang magkaroon ng common sani­tary landfill. Sakaling kapos sa budget, maaaring magamit ng mga LGU ang pautang ng gobyerno partikular ang ibinibigay ng Development Bank of the Philippines sa ilalim ng green financing prog­ram.

Maaari aniyang ma­bayaran ng mga LGU ang uutangin nito sa pamamagitan ng pagkolekta ng tipping fee. (Riz Dominguez)